WebClick Tracer

NEWS

Higit 600K benepisyaryo ng 4Ps nganga sa lipat-pondo ni Imee Marcos

Mahigit 600,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang hindi pa nakakuha ng educational assistance noong 2023 dahil sa ginawang paglipat ng pondo na itinulak ni Senador Imee Marcos.

Sa pagdinig ng House committee on public accounts nitong Lunes, Mayo 20, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kakailanganin nito ng dagdag na P3.9 bilyon upang mabayaran ang 2023 educational grant para sa 667,608 benepisyaryo ng 4Ps.

“Na-confirm na po natin na nung nakaraang budget season tinapyasan ng P8 bilyon po ng sponsor (ng budget sa Senate) ng DSWD ni Sen. (Imee) Marcos. And it wasn’t fair dahil ang utilization rate at that time, allegedly was at 45% pero kalahati lang ng payment cycle ang kinonsider natin,” sabi ni 4PS party-list Rep. Jonathan Clement Abalos.

“The big issue now is the availability of cash on hand. So paano po natin mapapaglingkuran ang ating mga benepisyaryo na hindi pa nakakatanggap ng cash grant mula last year mula nung sila ay ma-reassessed?” tanong pa nito.

Sinabi ni Abalos na nagsagawa ng revalidation ang DSWD kaya itinigil ang pagbibigay ng ayuda upang matiyak na kuwalipikado pa rin ang mga ito na makatanggap.

Iginiit naman ng chairperson ng komite na si Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na nangako ang DSWD na ibibigay ang benepisyong hindi nito naibigay pagkatapos ng revalidation.

“However, since the DSWD’s budget has been decreased, they could not fulfill this duty and promise unless we find solutions now,” punto ni Paduano.

Samantala, upang matugunan ang problema, sinabi ni DSWD Undersecretary Fatima Aliah Dimaporo na sumulat na sila sa Department of Budget and Management (DBM).

Naghahanap umano ang DBM ng pondo sa ilalim ng 2023 national budget na magagamit para mapunan ang kulang na pondo. Maaari rin umano itong isama sa panukalang 2025 national budget. (Billy Begas)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on