WebClick Tracer

OPINION

Speed bagal sa ‘Pinas

Kung kabagalan ang pag-uusapan, hindi mawawala sa diskusyon ang Pilipinas. Isa na riyan ang problema ng matinding trapik sa Metro Manila.

Hindi nakapagtatakang tayo ang may record sa pinakamabagal magbiyahe sa buong mundo.

Base sa 2023 TomTom Traffic Index, nanguna ang Pilipinas sa hanay ng 387 siyudad at 55 bansa na sinurbey. Aabot daw kasi sa higit 25 minuto para makapagbiyahe ng 10 kilometro sa kalsada sa Metro Manila. Sa Kansas City, inaabot lang ng 8 minuto ang ganitong distansiya.

Pati na ang internet highway ng bansa, mabagal din ang takbo. Ayon sa Speedtest Global Index ng Ookla, as of April 2024, ang average mobile internet speed sa Pilipinas ay 32.37 Mbps (megabits per second) lamang.

Wala tayong binatbat kung ikukumpara sa mga kapitbahay natin sa Southeast Asia tulad ng Thailand na mayroong 45.05 Mbps, Vietnam na mayroong 50.88 Mbps, Malaysia na humahataw sa 91.69 Mbps, Singapore na kumakaripas sa 101.43 Mbps, at Brunei na napakatulin sa 102.41 Mbps.

Nakikita ni Makati City Rep. Luis Campos Jr. na ang mga telecommunications companies ang may problema sa mabagal na internet natin kaya muli niyang isinulong ang panukalang batas na nagpapataw ng mataas na parusa sa mabagal na internet speed.

Sa House Bill No. 10215 ni Campos, ang mga telco na hindi makakasunod sa compulsory internet speed targets ay papatawan ng regulatory fine na P1 milyon kada araw, o P365 milyon bawat taon hanggang sa sila ay makasunod sa regulasyon.

Sabi ni Campos, mister ni Makati Mayor Abby Binay, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamabagal na average mobile internet speed sa Southeast Asia, kaya nais nila itong remedyuhan sa pamamagitan ng isang batas na ipapasa ng Kongreso.

Binanggit pa ni Campos ang “State’s duty to protect the interest of consumers, including internet users, promote their general welfare, and to establish standards of conduct for business and industry.”

Sa ilalim ng panukala, aamiyendahan ang Republic Act No. 7925, o ang Public Telecommunications Policy Law. Ikaklasipika ang internet connection bilang “basic service” na mapapasailalim sa hurisdiksyon at regulatory power ng National Telecommunications Commission (NTC).

Binanggit pa ni Campos na ang internet connection ay kinokonsidera ngayon na value-added service (VAS) kaya walang werpa ang NTC na magpairal ng higher standards at mandatory improvements.

Kung paramihan ng internet user, No. 11 ang Pilipinas dahil sa tinatayang 85 milyong Pinoy na gumagamit ng internet, karamihan ay sa pamamagitan ng mobile phone.

Sana naman, bumilis na ang takbo ng internet sa bansa hindi yung nakikipagsabayan pa sa takbo ng sasakyan sa Metro Manila.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on