WebClick Tracer

OPINION

Ang drama at circus sa Senado

Kung mayroong isang bagay na garantisado sa pulitika ng Pilipinas, ito ay ang walang katapusang circus at drama ng mga politiko. Kamakailan lang, naganap ang isang malaking yugyugan sa liderato ng senado na tila ba isang telenovela na puno ng twists and turns.

May mga talumpati. May mga iyakan. May mga group hug pa. Sa tuwing may ganitong pangyayari, mas lumalabas ang kapangitan ng ating sistemang pulitikal: mahina, wala sa hulog, at puno ng mga personalidad na walang paninindigan.

Ang biglang pagbabago ng mga alyansa ay nagmumukhang laro ng musical chairs, kung saan ang bawat isa ay nagmamadaling makahanap ng upuan bago tumigil ang tugtog. Hindi mo na kailangan ng political analyst para makita na ang mga taong ito ay naglilipat-lipat ng loyalty na parang nagpapalit lang ng damit—mabilis at walang pakundangan. Ang tanong, nasaan ang interes ng mamamayan sa lahat ng ito?

Madalas na ipinapakita ng mga pulitiko ang kanilang mga tunay na kulay sa pamamagitan ng kanilang mabilisang pagpapalit ng kampo. Isipin mo, noong mga nakaraang linggo, ang karamihan sa mga senador ay buo ang suporta sa dating Senate President Migz Zubiri. Patunay nito, nilagda pa nila ang kanilang mga pangalan sa isang resolusyon. Ngunit kamalailan lamang, marami sa mga nasabing senador ay siya ring mga personalidad na bumoto para alisin si Zubiri sa pwesto. Nakakatawa, ano?

Patunay ng kalokohang ito ay ang pekeng pag-iyak ni Senator Bato Dela Rosa sa pagkatanggal kay Zubiri. Akala ng marami ay umiiyak si Dela Rosa dahil nakikidalamhati siya sa sinapit ng dating Senate President. Niyakap pa nga nito ang asawa ni Zubiri. Yun pala, kasama siya sa mga bumoto para patalsikin si Zubiri bilang ulo ng Senado. Aba! Tinalo pa ni Bato si Bamban Mayor Alice Guo ah! Tigas ng mukha, ano?

Sabi ni Zubiri, naalis siya sa pwesto dahil “he failed to follow instructions” mula sa “powers thst be” daw. Isa itong pitik sa Malacañang. May bahid ito ng katotohanan. Ngunit hindi ito ang kabuuan. Kung may pundamental na dapat sisihin si Zubiri, walang iba yon kundi ang kanyang sarili. He tried to play both camps. And he failed miserably. Tinangka niya maging pro-BBM at pro-Duterte at the same time. Pumostura siya na sabay na pro at anti-charter change. Pinilit din niyang umaktong anti-China sa usapin ng West Philippine Sea para pagpagin ang matagal niyang pananahimik sa agresyon ng Tsina noong panahon ni Duterte. Sa pagtatangka niya na pagbigyan ang lahat at kakabalanse niya, siya mismo ang nawalan ng balanse at nahulog sa pedestal. Nailantad siya na mahina at walang buto. Ika nga, “when you try to please everyone, you end up pleasing no one.”

Hindi na nakakagulat kung paano nawawala ang moralidad at integridad ng mga pulitiko na parang bula. Hindi na bago sa atin ang balitang may mga senador na nagkukunwari pa na may malasakit sa bayan, pero sa totoo lang, ang pinaglalaban nila ay ang kanilang sariling interes. Para bang naglalaro sila ng chess, kung saan ang bawat galaw ay kalkulado hindi para sa ikabubuti ng bayan, kundi para sa kanilang sariling benepisyo.

Sa totoo lang, abala ang marami sa ating mga mambabatas sa “division of spoils,’ gaya ng kanilang mga pork barrel funds at iba pang budget insertions. Kaya hindi nakakagulat ang mabilis na pagpaling ng suporta ng mga politiko sa sinumang personalidad. Kaya marami ang humanga sa yumaong dating Senator Rene Saguisag dahil ni minsan ay hindi ito tumanggap ng pork barrel funds. Ito naman ay matapang na ipinagpatuloy ni dating Senator Ping Lacson na nangunguna sa pagdurog ng kultura ng pork barrel at budget insertions sa lehislatura.

Ang tunay na biktima ng ganitong sistema ay ang ordinaryong mamamayan. Habang nagkakagulo ang mga politiko sa kanilang power play, ang mga tunay na isyu ng bayan—kagutuman, kahirapan, at kawalan ng trabaho—ay natatabunan. Nakakatawa na nakakaiyak ang irony na habang pinagtatawanan natin ang kanilang kakulangan sa integridad, tayo rin ang nagdurusa sa kanilang mga pagkukulang.

Sa huli, ang balasahan sa Senado ay nagsisilbing paalala sa ating lahat. Kailangan natin ng mga lider na may tunay na malasakit at integridad, hindi mga politiko na parang alipin ng sarili nilang interes. Panahon na para magising tayo at huwag magpalinlang sa mga paimbabaw na pangako. Kung gusto natin ng pagbabago, dapat magsimula ito sa pagpili ng mga tamang lider—mga lider na inuuna ang kapakanan ng bayan bago ang sarili nilang agenda.

Ang ating bangkaroteng sistema ng partidong pulitikal ay isang sumpa na kailangan nating wakasan. Ang tanong lang, handa na ba tayong itigil ang circus na ito at maghanap ng tunay na pagbabago? Kung hindi, yari tayong lahat!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on