WebClick Tracer

METRO

Engineer, 6 LGU employee sinuspinde sa suhol

Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension ang pitong empleyado ng engineering department ng pamahalaang lokal ng Marikina City dahil sa umano’y panghihingi ng suhol, bukod sa iba pang pang-aabuso.

Kabilang sa mga sinuspinde ay ang City Engineer at anim pang miyembro ng Marikina City Engineering Office.

Ang 10-pahinang kautusan na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires ay kaugnay ng reklamong inihain ng mag-asawang nag-akusa sa pitong opisyal ng panghihingi ng suhol para mapabilis ang proseso at maaprubahan ang kanilang building at occupancy permit, gayundin ang pang-aabuso sa kapangyarihan at iba pang “retaliatory tactics.”

Ayon sa mga nagrereklamo, nagsimula silang mag-apply ng building permit sa Marikina City Engineering Office noong Agosto 2021 para sa kanilang bahay.

Gayunpaman, ilang mga hadlang umano ang hinarap sa proseso ng pag-apruba at pinilit umano ang mag-asawa ng mga kawani ng City Engineering na magbayad ng kabuuang P430,000.

Sa kabila nito, hindi pa rin umano naibigay ang permit sa mag-asawa.

Ayon sa Ombudsman, may sapat na batayan para sa pagpapalabas ng suspension order laban sa mga respondent na isinasaalang-alang ang matibay na ebidensya sa pagkakasala ng pitong empleyado. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on