WebClick Tracer

NEWS

Modernong sanitary landfill sa Tarlac aprub kay Sen. Raffy

Pinuri ni Sen. Raffy Tulfo ang maayos na pamamahala ng pinakaunang engineered sanitary landfill sa Capas, Tarlac at siyang pinakamalaking waste management system sa buong Pilipinas.

Ginawa ni Tulfo ang pahayag matapos niyang malaman na pinuproseso sa pasilidad ang tinatayang nasa 5,000 toneladang basura kada araw mula Central Luzon at iba pang lalawigan gaya ng Pampanga, Zambales, at Bataan. Liban pa rito ang mga industrial waste na ipinapadala mula sa Cavite at Batangas.

Ang 100-ektaryang modernong landfill ay itinayo noong 2002 sa bisa ng service contracting mula sa Clark Development Corporation (CDC) at pinatatakbo ito ng Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC).

Ang MCWMC ang nag-iisang pasilidad sa bansa na compliant sa Republic Act 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000” at ito’y plano nang gawing waste-to-energy (WTE) facility sa mga susunod na taon.

Bilang pagsuporta, nauna nang naghain si Tulfo ng WTE Bill sa Senado at kasalukuyan itong nasa second reading sa plenaryo. Ayon sa senador, kritikal ang papel ng mga WTE facility dahil makakatulong aniya ito na mapahaba ang lifespan ng mga landfill ng higit sa tatlumpung taon.

Kung walang mga WTE, aniya, mapipilitang gumamit ng mga lupang sana’y laan sa agrikultura o pang-komersiyo para lamang matugunan ang problema sa waste management sa iba’t ibang lugar.

Ang MCWMC ay nakatakdang mag-renew ng kontrata sa CDC/ Bases Conversion and Development Authority.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on