WebClick Tracer

SPORTS

Bianca Pagdanganan lalagare sa 2 leg ng 75th LPGA Tour

Kakayod si Bianca Isabel Pagdanganan sa dalawa sa tatlo pang nakatakdang torneo sa buwang ito sa 75th Ladies Professional Golf Association Tour 2024 sa Estados Unidos, sa misyong masiguro ang ikalawang sunod na sabak sa Summer Olympic Games sa July sa Paris, France.

Top 60 players sa Olympic golf rankings ang makakalaro sa quadrennial sportsfest sa July 26-August 11 at patungo sa LPGAT Leg 15-16 nasa Top 35 ang Pinay shotmaker na pinapadrinuhan sa kampanya ng ICTSI (International Container Terminal Services, Inc.)

Halos pasok na sa Paris Olympics si Pagdanganan pero ayaw niyang magkumpiyansa kaya tatrabaho pa sa Meijer LPGA Classic sa June 13-16 sa Belmont, Michigan at sa major tourney KPMG Women’s PGA Championship sa Sammamish, Washington sa June 20-23.

Pero mas higit kailangang magbanat ng buto ng kakuwadra niya sa ICTSI na si Dottie Ardina na No. 55 sa Olympic ranking at sa KPMG Women’s lang makakapalo dahil ‘di full-time member ng LPGA sa taon.

Ang isa pa ring kinakalinga ng ICTSI na si Fil-Japanese Yuka Saso ng Japan mas piniling pahinga sa Meijer LPGA kahit may puwesto siya. Pero pinasyang paghandaang mabuti ang KPMG Women’s lalo’t tiyak na niyang swak na siya sa Paris Games pagkapanalo sa ikalawa US Women’s Open dalawang linggo pa lang ang nakararaan.

Sa June 24 ihahayag ang Top 60 mens at womens na maglalaro sa Olympics, na magiging ikalawang sunod kina Pagdanganan at Saso makaraang magkampihan pa sa 2020+1 Tokyo Games nang ‘Pinas pa ang bitbit ng huli. (Ramil Cruz)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on