WebClick Tracer

METRO

Negosyante pinag-almusal ng tingga

Malubhang nasugatan ang 43-anyos na negosyante nang pagbabarilin ng tatlong ‘di kilalang lalaki sa harapan ng bakery na pag-aari ng una sa Quezon City nitong Martes ng madaling araw.

Ginagamot ngayon sa ospital ang biktimang si Jay Panaligan Aguila, 43, may live-in partner, negosyante, at residente ng Road 6, Opna Compound, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.

Sa report ng Payatas Bagong Silangan (PS 13) ng Quezon City Police District, alas-4:10 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa harapan ng bakery ng biktima sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Charlito Benemili, bubuksan na sana ng biktima ang kanyang bakery store nang makita niya ang tatlong lalaking suspek na pawang naka-bonnet na naghihintay sa labas ng kanyang tindahan.

Agad na nilapitan ng isa sa mga suspek ang biktima at sa hindi pa malamang kadahilanan ay tinutukan ito ng baril.

Sa takot ay kumaripas ng takbo ang biktima subalit hinabol pa rin siya ng suspek at 2 beses binaril.

Agad naman nang tumakas ang mga suspek na sumakay ng tricycle na minamaneho ng saksing si alias Albert.

Sinabi ng saksi sa pulisya na ibinaba niya ang mga suspek sa harap ng Rosario Maclang General Hospital at pagkatapos ay sumakay sa puting taxi at tumakas.

Patuloy pa ang isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaril. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on