WebClick Tracer

NEWS

PNP binoldyak ni VP Sara

Kinastigo ni Vice President Sara Duterte ang paggamit ng Philippine National Police (PNP) ng labis na puwersa para lamang ihain ang arrest warrant kay Pastor Apollo Quiboloy at lima pang akusado sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City noong Lunes.

“Kaisa ako sa mga nananawagan ng maayos, katanggap-tanggap, at makataong pagpapairal ng batas at pagtataguyod ng hustisya sa ating bansa,” ayon sa pahayag ni VP Duterte nitong Martes.

“Kasunod ito ng magulong pagpapatupad ng arrest warrant kay Pastor Apollo C. Quiboloy kahapon na sanhi ng kwestyonableng pagpapakita ng labis na pwersa at otoridad sa harap ng mga sibilyan,” dagdag pa nito.

Hindi nadatnan ng mga pulis sa KOJC compound at sa dalawa property ng simbahan si Quiboloy. Hindi rin naaresto ang mga kapwa akusado na sina Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, at Jackiely Roy.

Si Quiboloy ay may dalawang criminal case sa Davao City na nilipat sa Quezon City court. Ang human trafficking case naman nito sa Pasig RTC ay non-bailable kumpara sa Davao.

Noong Lunes, nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga supporter ni Quiboloy sa KOJC at 100 pulis.

“Sa ating pagpapairal ng batas, huwag nating kalimutan ang kaligtasan ng lahat, lalo na ng mga sibilyan, at mahalagang matiyak na malayo sa panganib ang mga kabataan,” diin ni VP Duterte. “Huwag din sana nating kalimutan na ang pandarahas sa ating mga mamamayan ay paglapastangan sa ating demokrasya.”

“Sana ay mapanatili natin ang respeto, kaayusan, at kapayapaan sa ating bansa,” saad ng bise presidente.

Nauna rito, kinuwestiyon din ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng labis na puwersa para ihain ang arrest warrant kay Quiboloy at sa iba pang kapwa akusado.

“This incident occurred within a place of worship and [on] school premises, which is absolutely unacceptable,” ayon sa dating pangulo.

“Will this overkill be the trademark of this administration when dealing with individuals who are merely accused of committing a crime and have not been proven guilty beyond reasonable doubt?” pagtatanong pa niya.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on