WebClick Tracer

NEWS

Yamsuan: Parusa sa illegal worker na dayuhan bigatan

Itinulak ni Bicol Saro Party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan ang agarang pagpasa ng panukala na naglalayong gawing hanggang anim na taong pagkakakulong ang parusa sa mga dayuhan na ilegal na magtatrabaho sa bansa.

Isinulong ni Yamsuan ang agarang pagpasa ng House Bill 1279 matapos maaresto ang 37 Chinese nationals na umano’y ilegal na nagpapatakbo ng retail at restaurant operation sa Parañaque City.

“We certainly welcome foreign nationals in our country if they have valid employment permits (EPs) and if they do not compete with our equally, and at most times better, skilled workforce. But we should draw the line when it comes to foreigners who not only work here illegally, but also pose a threat to the peace and order in our communities,” sabi ni Yamsuan.

Ang kasalukuyang parusa na P10,000 multa, ayon kay Yamsuan ay masyadong maliit.

Sa ilalim ng HB 1279, ang mga dayuhan na nakakuha ng EP pero lumipat ng trabaho ay dapat na humingi ng pahintulot sa Department of Labor and Employment (DOLE). Kung hindi, sila ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000.

Ang ilegal na foreign worker ay maaari ring makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon depende sa korte. Ang dayuhan ay ide-deport matapos pagsilbihan ang parusang iginawad sa kanya.

Ang employer ng foreign worker na ilegal na nagtatrabaho ay maaari ring patawan ng katulad na haba ng pagkakakulong at multang P100,000 hanggang P200,000 bukod pa sa suspensiyon o pagsasara ng negosyo nito.

Nakasaad din sa panukala, na bibigyan lamang ng EP ang mga dayuhan kung walang Pilipino na nais gumawa o walang makakagawa ng kanilang trabaho.

Dapat ding ituro ng dayuhan ang kanyang kakayanan at kaalaman sa hindi bababa sa dalawang Pilipino kung hindi ay maaari itong pagmultahin ng P100,000 kada taon ng hindi pagsunod. Maaari ring hindi na ito bigyan muli ng work permit at ma-blacklist.

Ang DOLE ay inatasan din na gumawa ng registry ng mga dayuhang nagtatrabaho sa bansa.

Bukod kay Yamsuan, ang HB 1279 ay akda rin nina Camarines Sur Representatives LRay Villafuerte, Miguel Luis Villafuerte, at Tsuyoshi Anthony Horibata. (Billy Begas)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on