WebClick Tracer

NEWS

17 marinong Pinoy ng Galaxy Leader bihag pa ng Houthi

Mayroon pang hawak na 17 marinong Pilipino ang mga rebeldeng Houthi na kanilang binihag matapos atakehin ang barkong Galaxy Leader sa Red Sea malapit sa Yemen noong Nobyembre 19, 2023.

Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Malacañang na patuloy ang negosasyon nila sa mga gobyernong may contact sa Houthi rebels upang ligtas na mapalaya ang 17 bihag na Pinoy at makauwi sa bansa.

Ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac, isinasagawa ang mga negosasyon para sa paglaya ng 17 marino sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs.

“The ongoing effort to secure their release is being undertaken through the DFA – the DFA is communicating with foreign governments who have communication lines with Houthi rebels with the objective of securing the release of our seafarers and bringing them home safely,” sabi ni Cacdac.

Tiniyak ni Cacdac na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang saklolohan ang mga marinong Pinoy na sakay ng Galaxy leader nang atakehin ng Houthi rebels sa Red Sea.

Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Biyernes, Hunyo 14, sa mga ahensiya ng gobyerno na gawin lahat ng paraan upang makauwi ng ligtas ang mga Pilipinong hawak ng mga rebelde.

Base sa mga ulat, galing Turkey ang Galaxy leader at naglalayag patungo sa India nang salakayin ito ng mga Houthi sa Red Sea malapit sa Yemen. (Aileen Taliping)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on