WebClick Tracer

METRO

3 tulak swak sa buy-bust

Tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga na may operasyon umano sa iba’t ibang lugar sa southern Metro Manila ang nalambat ng mga awtoridad sa Makati City noong Sabado.

Nabitag ng pinagsanib na puwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), District Intelligence Division, (DID), District Mobile Force Battalion (DMFB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-SDO) at Taguig City Police Substation 9 ang mga suspek na sina alyas Jun, 25 anyos, alyas Albert, 38 anyos, kapwa construction worker at alyas Nap, 42 anyos, driver sa Barangay Rizal, Makati City bandang ala-1:30 nang madaling araw.

Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, nagpapakalat umano ng ilegal na droga ang mga ito sa iba’t-ibang bahagi sa lungsod at mga karatig na lugar sa Metro Manila.

Narekober sa mga ito ang dalawang heat-sealed plastic sachet at isang plastic bag na naglalaman ng kabuuang 40 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P272,000, isang cellular phone at buy-bust money na ₱1,000 na nakapaibabaw sa 11 piraso ng pekeng P1,000 bill.

Nasa kustodiya ng DDEU ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on