WebClick Tracer

SPORTS

Jed Olivarez, Johnny Arcilla rambol sa titulo ng National Open Netfest

Pumoste ng mga kruyal na panalo sina Eric Jed Olivarez at Johnny Arcilla sa magkaibang diskarte, na nagtakda sa duelo ng top two seeds sa Mayor Eric Olivarez National Open Tennis Championships noong Biyernes sa Olivarez Sports Center sa Sucat, Parañaque.

Bumalikwas mula sa maagang sadsad si top-seeded Olivarez upang pasibatin si No. 6 Alexis Acabo, 3-6, 6-3, 6-2, samantalang sinangkalan ni second-ranked Arcilla ang lawak at lalim ng karanasan upang paspasang dispatsahin si No. 4 Vicente Anasta, 6-2, 6-2.

Ang semifinal victories ang nagbigay-raan para sa kapana-panabik na salpukan ng kabataan at karanasan para sa pinaglalawayang men’s singles crown ng dalawa sa Linggo (June 16) ng hapon.

Tinumba na ni Arcilla si Olivarez sa finals ng Lanao Del Norte Open noong June 2023. Pero naghimagsik si Olivarez makaraan ang dalawang buwan sa semifinals saka sinunod si Joshua Kinaadman para magkampeon sa Hagedorn Open sa Puerto Princesa.

Kinalos din ni Olivarez, produkto ng Western Michigan University, si Fritz Verdad upang pamayagpagan ang Rep. Edwin Olivarez Cup noong December.

Pa-finals, tinagpas ni Olivarez si Eric Tangub, 6-1, 6-4, sa quarterfinals. Kahit nangapa laban kay Acabo sa semis, nakabuwelta at sinungkit ang sumunod na dalawang set.

Nagbabadya rin ang dalawang player sa potensiyal na pagwalis sa dalawang titulo sa pag-abante rin sa men’s doubles. Sa pagtambal kay Francis Alcantara, kinaldag ni Arcilla sina Rolly Saga at Verdad 7-6(4), 7-6(5) sa pukpukang Final 4.

Madali namang dinemolis nina Olivarez at Bryan Saarenas sina Miguel Iglupas at Loucas Fernandez, 6-1, 6-2.

Sa juniors competitions, nahulma ang paghahamok nina top seed Jana Diaz at Erynne Ong para sa dalawang korona makalipas bokyain ng una si Cadee Dagoon, 6-0, 6-0, sa girls’ 16-and-under semis, at padapain si Marielle Jarata, 6-1, 6-3, sa 18-&-U semis.

Ginulantang ni sixth-ranked Ong si second seed Sandra Bautista, 6-3, 6-2, sa 16-&-U semis, at tinabig si AJ Acabo. 6-4, 6-1, sa premier age category ng Group I tournament na nasa ilalim ng PPS-PEPP program ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.

Sa boys’ division ng event na may basbas ng Philta at mga suportado ng Universal Ranking, Dunlop, at ICON Golf & Sports, magtutuos sina Evan Bacalso at John Benedict Aguilar sa 18-&-U title; magpapang-abot sina Al Tristan Licayan at Lucas Go para 16-&-U trophy; magkikita sina Troan Vytiaco at Anthony Castigador sa 14-&-U title; at sina Daniel Sy, Jan Caleb Villeno ang magsasalpukan sa 12-&-U diadem.

Sa girls’ finals, kita-kits sina Dagoon at Ayl Gonzaga para sa 14-&-U crown; samantalang bakbakan sina Etha Seno at Carolina Fandino sa 12-&-U trophy. Maghahamok sa 10-&-U unisex finals sina Yuan Torrente at Raven Licayan. (Abante TONITE Sports)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on