WebClick Tracer

OPINION

Ahensiyang natutulog sa pansitan

Dati, marami ang excited sa SIM Registration Bill dahil mabubura na raw ang mga scammer sa bansa. Pero nang maisabatas na ito, hindi pa rin nawala ang mga call at text scam.

Saan ba may problema, sa Republic Act 11934 (SIM Registration Act) o sa mga ahensiyang nagpapatupad nito tulad ng National Telecommunications Commission (NTC)?

Kung pumalpak ang NTC, eh ‘di sablay din ang implementasyon ng SIM Registration Act.

Sa tingin ni Sen. Sherwin Gatchalian, dahil sa kabiguan ng NTC na maipatupad ang mga probisyon ng SIM registration law, humantong daw ito sa paggamit ng mga scammers sa iba’t ibang scam farm sa bansa.

Noong sinalakay ang Smartweb Technology Corp. sa Pasay City, Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac, at sa Lucky South 99 na nasa hangganan ng Porac at Angeles City sa Pampanga, tumambad dito ang bulto-bultong mga SIM card na ginagamit para sa pandaraya at paggawa ng kung anu-anong scam.

Sa kaso ng Zun Yuan, natuklasan ng mga operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga SIM card na may maling pagkakakilanlan, kasama ang iba’t ibang mga telepono at mga script na ginagamit sa pang-iiscam.

Binanggit pa ng senador na ang mga SIM card ay ginagamit sa pagsasagawa ng love scam, cryptocurrency scam, at iba pang mga investment scam. Bukod sa mga SIM card, natuklasan din sa Lucky South 99 ang iba’t ibang phone device, droga, at mga sinasabing gamit sa pag-torture.

Sabi ni Gatchalian, dapat daw tiyakin ng NTC ang epektibong pagpapatupad ng SIM registration law. Hangarin kasi ng batas na magbigay ng pananagutan para sa mga gumagamit ng mga SIM card at suportahan ang pagpapatupad ng batas sa pagsubaybay sa mga krimen na ginagawa sa pamamagitan ng telepono.

Ngunit dahil tila napabayaan daw ng NTC ang responsibilidad nito kaya ang mga scammer sa industriya ng ilegal na POGO ay patuloy na gumagamit ng SIM card nang walang humpay.

Tahasan ding sinabi ng senador na mula nang ipatupad ang SIM Card Registration Act noong Oktubre 10, 2022, lalo pang tumaas ang mga aktibidad ng scamming, taliwas sa inaasahan. Kung tutulog-tulog daw ang NTC ay talagang hindi maisasakatuparan ang mandato nito.

Magising na kaya ang NTC ngayong nakatikim sila ng magkabilang sampal mula sa senador? Kung wala pa ring mangyayari, asahan nating patuloy pa rin ang mga kaso ng human trafficking, illegal detention, kidnapping, love at investment scam na ginagamitan ng SIM card.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on