WebClick Tracer

SPORTS

Johnny Arcilla sinangkalan karanasan upang maghari

Pinagpag ni Johnny Arcilla ang edad at dinaig ang mga batang karibal, kasama si Eric Jed Olivarez Jr., 2-6, 6-0, 7-6(5), sa kapana-panabik na decider sa finals upang pamayagpagan ang Mayor Eric Olivarez National Open Tennis Championships nitong Linggo sa Sucat, Parañaque.

Namemeligrong matalo sa 4-5 at 30-40 sa third set sa men’s singles title, dehins nagpatinag ang 44-anyos na tubong Butuan na may malawak na karanasanan at pinatibay ng mga presyur na senaryo. Minaniobra niya si Olivarez sa mga wais na bira sa drop shots dahil sa kalamangan sa baseline ng karibal.

Pinuwersa ni Arcilla ang tie, nakipagpalitan ng serbisyo sa sumunod na dalawang laro at, at hinila ang tiebreaker sa Olivarez Sports Center.

Isang Davis Cup veteran at 10-time PCA Open winner, at nanalo na rin kay Olivarez sa Lanao Del Norte Open finals noong June 2023, kinasa niya ang 3-all count. Nagpakatatag uli, umahon siya sa two-point deficit tungo sa four-point streak, binirit ang kapansin-pansing panalo at dinagdag ang major championship sa koleksiyong tropeo.

Higit sa rally, ang tagumpay ay nagdiin sa tibay ng mandirigmang tenista, pinatotohanang may ibubuga pa talaga sa kabila ng edad sa Group A tournament na presentado ng Dunlop . Kabilang sa lakbay niya ang 6-2, 6-2 win sa semifinals kontra Vicente Anasta.

Niladlad ni top-seeded Olivarez, 26, ang galing sa upper half ng draw, kumayod para tagpasin si Alexis Acabo, 3-6, 6-3, 6-2 para itakda ang pakikipagsalpukay kay second seed Arcilla. Hinakbangan na rin ni Olivarez si Arcilla sa semis patungo sa korona ng Hagedorn Open sa Puerto Princesa noong isang taon.

Pagkabutata sa second set, sakalam bumuwelta si Olivarez sa nabawing komposyur, nakipagpalitan ng breaks sa first two games ng decider. Nakipagsalpukan siya sa hold-hold games sa next six games bago nakaligtas sa 10th game.

Tinapos ni Arcilla ang tagumpay nitong June 16 sa pakikipagsabwatan kay Francis Alcantara upang kalusin sina Olivarez at Bryan Saarenas, 5-7, 6-4, 10-5, at sungkitin din ang men’s doubles title sa torneong pinagkaabalahan at binalikat ng pamilyang Olivarez.

Sa juniors category, dinomina ni top seed Al Tristan Licayan ang boys’ 16-and-under category via 6-3, 6-2 victory kay Lucas Go, at hablutin ang MVP honors kasama si Jana Diaz, na nagsukbit ng tatlong korona sa girls’ division.

‘Di umubra kay Diaz si Erynne Ong sa 6-1, 6-1 win sa 16-&-under finals at 6-1, 6-2 desisyon sa 18-&-under finals ng two-week-long Group I tourney na nasa ilalim ng PPS-PEPP program ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.

Binoldyak ni Evan Bacalso si John Benedict Aguilar, 6-3, 7-6(0), sa boys’ 18-&-under finals, samantalang pinalupasay ni Anthony Castigador si Troan Vytiaco, 6-3, 6-2, upang iuwi ang boys’ 14-&-under trophy.

Ginulantang ni unseeded Daniel Sy si No. 5 Jan Caleb Villeno, 6-2, 6-1, para pamayagpagan ang boys’ 12-&-under sa kaganapang may basbas ng Philta at mga pinadrinuhan ng Universal Ranking, Dunlop, at ICON Golf & Sports.

Sa girls’ category, pinigilan ni Jan Cadee Dagoon si Ayl Gonzaga, 6-1, 6-4, para masikwat ang 14-&-under crown, habang pinadapata ni Etha Seno si Carolina Fandino, 6-4, 6-3, upang kopoin ang 12-&-under title. Si Yuan Torrente ang naging 10-&-under unisex champ sa 4-1, 4-2 win kay Raven Licayan.

Hinagip ni Diaz ang third title sa pagtambal kay Marielle Jarata upang sambutin ang girls’ 18-&-under doubles. Ang iba pang doubles winners ay sina Dania Bulanadi-Dagoon (girls’ 14-&-under), Samuel Davila-Al Tristan Licayan (boys’ 18-&-under), Castigador-Julio Naredo (boys’ 14-&-under), at Joaquin Dacyon-Torrente (10-&-under unisex).

Sa Legends category, kinabig nina Rash Manatid at Jerome Bernales ang 30s men’s doubles title, sinukbit nina AJ Lim/Gee Abacan ang 40s trophy, kinamkam nina Aldrin Geluz/Renell Crescini ang 50s crown, at sina Adelo Ruado/Alex Quitara ang nag-uwi ng 60s championship. (Abante TONITE Sports)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on