WebClick Tracer

LIFESTYLE

Tadhana ni Destiny

Hindi raw inakala ng incoming grade 7 student na si Oshiokhai Destiny Tagle na mahuhumaling siya sa sports na Taekwondo.

Ang simpleng libangan, magdadala pala sa kanya sa rurok ng tagumpay.

Siya ang nag-iisang taga-Tanza sa Cavite na lalahok sa Palarong Pambansa 2024 matapos masungkit ang kampeonato sa Regional Athletic Association Meet ng Calabarzon kamakailan.

Dahil ngayong July na ang Palarong Pambansa, round-the-clock na ang pag-eensayo ni Destiny.

Hindi rin daw siya nakalilimot na humingi ng gabay sa Panginoon.

Ayon kay Destiny, ‘Faith lang po, lagi po akong nagdadasal. Pag malungkot po ako, nagdadasal po ako. Pag masaya, nagdadadasal po ako. Pag nag-aalala ako, nagdadasal lang po ako. Lagi din pong magpa-practice because practice makes perfect.’

Sa husay, bilis, at galing niya sa Taekwondo, hindi mo aakalaing magtre-trese anyos pa lang si Destiny.

Pero aminado ang nanay ni Destiny na si Vangie Tagle na hindi biro ang gastos sa pag-eensayo.

Emosyonal niyang ikinuwento ang hirap niya bilang single mother.

Kaya nahihiya man, nag-solicit na raw siya sa mga kaanak at kaibigan para sa kanyang anak. Pero hindi ito sapat dahil mabigat sa bulsa ang pamasahe pa-Cebu kung saan gaganapin ang Palarong Pambansa. Idagdag pa ang ibang gamit na kakailanganin para sa laro.

Gustung-gusto raw talaga ni Destiny na makalahok sa Palarong Pambansa dahil posibleng ito ang maging susi para makakuha siya ng scholarship grant.

Buti na lang daw at may mga nagmagandang loob, kasama na si Konsehala Icel Del Rosario – Morales ng Sangguniang Bayan ng Tanza na sumagot ng airfare.

Sinorpresa rin ng konsehala ng mag-ina. Bukod sa cash allowance, nagbigay rin siya ng sapatos para kay Destiny.

Abut-abot ang pasasalamat ng mag-ina sa mga taong sumaklolo sa kanila.

Pangako ni Destiny, gagawin niya ang lahat para maging proud sa kanya ang mga kababayan niya sa Tanza.

Sa mga nais pang mag-abot ng tulong pinansiyal, puwedeng kontakin ang ina ni Destiny sa numero 0951-228-1295.

Wala pa mang laban, panalo ka na para sa amin dahil sa ipinamalas mong determinasyon. Proud kami sa’yo, Destiny!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on