WebClick Tracer

LIFESTYLE

Mga hakbang para iwas baha dulot ng nasirang navigational gate nilatag sa Malabon

Dahil sa patuloy na pagbaha sa iba’t ibang lugar sa Malabon na dulot ng pagkasira ng Malabon-Navotas River navigational gate, nagsagawa si Mayor Jeannie Sandoval at ang pamahalaang lungsod ng mga hakbang para sa kaligtasan ng bawat Malabueño.

Matapos makatanggap ng mga ulat hinggil sa isyu ng navigational gate gayundin ang pagbaha sa ilang barangay, agad na nag-deploy ng mga tauhan ang Malabon City Disaster Risk Reduction and Management Office at sinugurong gumagana 24/7 ang monitoring equipment nito sa Command Communication Center gayundin ang early warning siren at flood monitoring devices. Naghanda din ito ng iba’t-ibang evacuation area sa lungsod sakaling mangailangan ng pansamantalang tirahan ang mga residente.

Sinabi ng MDRRMO na nasa 2-7 pulgadang baha ang nararanasan sa M. Sioson Street sa Barangay Dampalit at Gabriel Street sa Barangay Hulong Duhat bandang alas-dos ng hapon noong Linggo, Hunyo 23.

Naglagay naman ang City Engineering Department ng 1,840 sandbags sa riverwalls ng Barangay Dampalit Megadike, Pantihan at Bonifacio sa Barangay Flores, M. Blas at Gervacio sa Barangay Hulong Duhat, Sacristia sa Barangay San Agustin, Disierto sa Barangay Tañong at sa Malabon Central Market para mapigilan ang pagpasok ng tubig mula sa ilog sa mga barangay.

Naghatid din ito ng diesel sa mga pumping station sa lungsod upang matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon nito sa gitna ng pagbaha sa mga lugar.

Nagsagawa rin sila ng declogging operations sa mga drainage system habang ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ay patuloy na gumagawa ng clean up drives bilang bahagi ng flood mitigation measures ng lungsod.

Samantala, agad ring nagsagawana ng assessment ang City Social Welfare and Development para matukoy ang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha para mabigyan sila ng tamang tulong habang nagpapatuloy ang pagsasaayos sa navigational gate.

Noong Mayo, pinaalalahanan din ng City Health Department ang mga Malabueño na huwag maglakad sa mga binabahang lansangan, lalo na ang mga may sugat sa paa, upang maiwasan ang pagkakaroon ng water-borne diseases tulad ng leptospirosis at dengue.

Ang Malabon-Navotas River navigational gate malfunction ay naiulat noong unang linggo ng Hunyo matapos umano itong mabanga ng shipping boat na dumaan sa ilog.

Ang mga miyembro ng Metropolitan Manila Development Authority ay nagsagawa ng pagkukumpuni sa nasabing gate katuwang ang lokal na pamahalaan.

Sinabi rin niya na ang mga nangangailangan ay maaaring makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa anumang tulong na kailangan nila.

Nagpasalamat si City Administrator Dr. Alexander Rosete sa mga empleyado ng pamahalaang lungsod na nagpakita ng dedikasyon sa paglilingkod sa mga Malabueño sa kabila ng pagbaha sa iba’t ibang barangay. Inilunsad ni Mayor Jeannie ang mga hakbang sa pag-iwas sa baha pagkatapos malfunction ng Malabon-Navotas River navigational gate.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on