WebClick Tracer

LIFESTYLE

Elem graduate, crew sa multinational fast food

Sandwich artist sa isang branch ng multinational fast food restaurant na Subway ang disi otso anyos na si Remlee Deraya na tubong Tanza, Cavite.

Bilang sandwich artist, bihasa siya sa pag-assemble ng sandwich products ng kanilang kumpanya. Kasama na ang pag-aayos ng veggies at dressings na pipiliin ng customer. Kung minsan, naa-assign din siyang cashier.

Pero si Remlee, hindi nakatuntong ng high school.

Katunayan, 15 years old na siya nang makapagtapos ng elementarya sa ilalim ng Alternative Learning System ng Department of Education.

Ang lahat ng ito, hindi kailanman ikinahiya ni Remlee.

Proud siyang ikinuwento na trese anyos lang siya noong nagsimulang maglako ng gulay at ulam para makatulong sa kanyang mga magulang.

Ibig sabihin, maagang namulat sa realidad ng buhay si Remlee. Kaya kung minsan, hindi niya raw maiwasang malungkot. Kuwento niya, ‘Medyo hindi ko na-enjoy ‘yung buhay binata pero okay lang at least natutulungan ko na ngayon ang mga magulang ko.’

Laking pasasalamat ni Remlee dahil sumugal sa kanya ang franchisee ng Subway branch sa SM BF Homes na si Dr. Eileen Arayata-Escarilla na isang Optometrist. Mas lalo raw niyang pagbubutihan ang trabaho para maabot ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng bahay para sa pamilya.

Naniniwala si Doc Eileen na kayang-kaya abutin ni Remlee ang kanyang pangarap. Dagdag pa niya, ‘We have always believed in an inclusive workplace. Walang taong mahina. Some are just not given a fair start or equal chance in life. ‘Yan ang gusto namin ibigay sa mga tao – trust, chance & opportunity.’

Gusto raw nilang maging patas ang pagtrato at pagtingin sa kanilang mga empleyado, anuman ang natapos na edukasyon, katayuan sa buhay, kasarian, relihiyon, may kapansanan man, at iba pa.

Sa mga susunod na linggo, magha-hire na rin daw sila ng mga empleyadong PWD o person with disability. Katunayan, sasailalim sa basic sign language training ang kanilang team para masimulan na ang pagkuha sa mga crew na deaf o may hearing impairment.

May payo naman si Remlee sa mga gaya niyang nangangarap ding magkaroon ng disenteng trabaho, ‘Huwag kayong titigil sa mga ginagawa n’yo para sa pangarap n’yo. Huwag kayong susuko o panghihinaan ng loob. Gawin n’yo lang lagi ang best n’yo sa lahat ng bagay.’

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on