WebClick Tracer

NEWS

P663M halaman sa senado binuking

Kakalkalin ng Senate Committee on Accounts ang mga gagastusan sa P23 bilyong halaga ng New Senate Building sa Taguig City.

Sabi ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng komite, marami siyang tatanungin sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung bakit umabot sa ganung halaga ang ipinapatayong gusali ng Senado.

Ang susunod na pagdinig ng komite ay gagawin sa Miyerkoles, Hulyo 10.

Kabilang sa gustong malaman ni Cayetano ay kung bakit umabot sa P663 milyon ang landscaping o ang pagtatanim ng mga puno, halaman, damo upang maging kaaya-aya sa mata ng publiko ang NSB.

Maging ang P2 bilyong gagastusin sa IT at seguridad ng NSB, ipinagtataka ng senador kung bakit umabot sa ganung halaga.
Ito aniya ang gusto niyang itanong kay Sen. Nancy Binay, dating chair ng Account Committee, pero nauwi sa debate ang paghaharap nila noong nakaraang linggo.

“Bakit P663 million sa landscaping alone? Bakit mahigit P2 billion sa broadcast at saka sa IT, security? So wala pa kaming tinuturo dito. So hindi ko alam bakit ganyan siya mag-react,” ani Cayetano sa isang ambush interview nitong Lunes.

Dahil umano sa pagsasampa ni Binay ng reklamo sa ethics complaint, natakpan ang isyu hinggil sa lumobong gastos ng NSB.
“Ang ginagawa ni Senator Nancy at the start, nililito niya tayong lahat,” ani Cayetano.

“Gusto niya mawala ang focus natin which is magkano ba talaga ang building, kailan ito matatapos at tama ba ‘yung paggastos natin ng pera,” dagdag ng senador.

Sinabi pa ni Cayetano na hindi lang P23 bilyon ang gagastusin sa pagpapatayo ng Senado dahil sabi ng DPWH, hindi pa sila tapos sa pagkukuwenta.

Ipinatigil ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero ang Phase 3 ng NSB dahil gusto niyang makatipid sa gastos. Kung aabot sa P23 bilyon ang gastos kasama ang presyo ng lupa, ito na raw ang pinakamahalal na gusali ng gobyerno sa Pilipinas.

Ikinatuwiran naman ni Binay na kaya niya nireklamo sa ethics committee si Cayetano ay upang matuldukan na ang paninira ni Cayetano sa kanilang pamilya.

“Noon pinalipas ko na lang, pinalampas ko lang. but this time around hindi na ako papayag ulit na gawin niya ‘yung paninira na ginawa niya,” ani Binay.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on