WebClick Tracer

NEWS

Kamatis, carrots, iba pang gulay sumisirit presyo

Kinalma ng Department of Agriculture (DA) ang publiko sa sumisirit na presyo ng mga gulay sa palengke dahil unti-unti na umanong bababa ito ngayong nagsimula na ang anihan.

“Ang good news dito as I mentioned, nag-start nang mag-harvest ngayon iyong Southern Tagalog Region. And ine-expect natin, unti-unti nang bababa iyong presyo,” ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam.

Ang tinutukoy ni De Mesa ay ang anihan ng kamatis na sumipa ang presyo sa Metro Manila mula P140 hanggang P220 per kilo base sa mga datos. Mas mataas ito kumpara sa nakalipas na dalawang linggo kung saan pumalo ang presyo ng kamatis sa P90 hanggang P160 per kilo.

Kabilang pa sa mga produktong agrikultural na nagkaroon ng taas-presyo ay ang carrots na pumalo sa P180 per kilo mula sa P100, tumaas naman ng P120 per kilo ang talong mula sa P60, habang ang bell pepper ay nasa P350 ang kilo mula sa P200.

Sa kabila nito, naniniwala si De Mesa na bababa ang presyo ng mga gulay.

“Iyong presyo ng gulay parating pabago-bago iyan, iyong presyong nakataas, they are very temporary at kapag bumalik uli iyong malaking harvest, bababa uli iyan,” paliwanag niya.

Sinisi ni De Mesa ang pagsipa sa presyo ng mga gulay sa atrasadong anihan nito sanhi ng pabago-bagong panahon bukod pa sa naging epekto ng El Niño at ng bagyong Aghon.

Maaaring naapektuhan din aniya ang presyo ng mga gulay sa patuloy na oil price hike dahil dagdag gastos din ito sa transportation cost, lalo na ang mga produktong galing pa sa malalayong probinsya tulad sa Benguet, Baguio, at Southern Tagalog.

“May additional na expenses kapag mahal ang gasolina. Of course, ang lalaki ng increases, P1 to P2 `di ba? So, that would also be the reason for the increase,” ani De Mesa. (PNA)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on