WebClick Tracer

NEWS

Mayor Alice Guo inisnab Senado, nagpasaklolo sa SC

Hindi humarap si Mayor Alice Guo at 22 iba pang indibiduwal sa ikaapat na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Miyerkoles, Hulyo 10, tungkol sa nadiskubreng scam hub sa Bamban, Tarlac.

Dahil dito, naghain si Senador Sherwin Gatchalian na mosyon para i-cite in contempt ang suspendidong alkalde at iba pang indibiduwal na inisnab ang pagdinig ng komite.

Tinanggap naman ni Senador Risa Hontiveros, chair ng komite, ang mosyon ni Gatchalian at ipinag-utos ang pag-aresto sa mga na-cite in contempt.

“This committee is ordering the arrest of the persons cited in contempt to be submitted to the Senate President for his signature,” sabi ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, susulatan niya si Senate President Francis Escudero pagkatapos na pagdinig para pirmahan ang arrest order laban kay Guo at iba pa.

Samantala, nagpasaklolo na si Guo sa Supreme Court (SC) para hilingin na ipawalang bisa ang subpoena ng Senado laban sa kanya.

Sa 78 pahinang petisyon ng inihain ng kanyang abogado sa SC nitong Miyerkoles (Hulyo 10), iginiit ng kampo ni Guo sa SC na ipawalang-saysay ang Subpoena Ad Testificandum na inisyu ng komite ni Hontiveros.

Hiniling din ni Guo na mag-isyu ang SC ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction upang pigilan ang Senate panel na imbitahan siya sa mga pagdinig nito.

Hirit ng kampo ni Guo na nilabag na ang karapatan nito sa due process ng komite ni Hontiveros.

“With due respect, the inquiries… did not really pinpoint how it can help the Committee in crafting relevant laws in regulating POGO, in cyber fraud and in human trafficking. One can surmise however, that the direction of the inquiry is to find out her personal information and for them to connect her in any way, in the alleged illegal POGO Operations,” ayon sa petisyon ng alkalde. (Dindo Matining/Prince Golez/Juliet de Loza-Cudia)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on