WebClick Tracer

NEWS

Mukbang nag-ugat sa depresyon, pinagkakitaan pa – DOH

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag tangkilikin at tularan ang mga food vlogger na nagmu-mukbang sa kanilang contents dahil nakamamatay ito tulad ng sinapit ng isang vlogger kamakailan.

Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na talamak ngayon sa iba’t ibang social media platform ang mukbang at hindi ito dapat na i-promote dahil baka gayahin ng publiko na maaaring magresulta sa kamatayan.

Ayon sa kalihim, mas mapanganib ang mukbang sa mga kabataan dahil madaling mahikayat ang mga ito kaya dapat na bantayan at masubaybayan ng kanilang mga magulang.

Sinabi ng kalihim na ang pagmu-mukbang ay isang uri ng eating disorder dahil sa depresyon na nagsimula sa Korea at naisip na i-video at pagkakitaan na kalaunan ay ginaya sa iba’t ibang bansa.

Mayroong aniyang epekto sa nanonood ng mukbang dahil mas malaki ang posibilidad na gagayahin ito kaya dapat na pag-aralan ng gobyerno kung paano mapigilan at ipagbawal.

Naniniwala si Herbosa na kapag pinigilan ang pagmu-mukbang ay igigiit ng mga vlogger na bahagi ito ng freedom of expression kaya dapat pag-isipan kung paano masawata ang nasabing gawain. (Aileen Taliping)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on