WebClick Tracer

METRO

Riot sa bilyaran; tinedyer tinusok ng icepick

Arestado ang tatlo sa pitong menor de-edad na suspek matapos saksakin ng icepick ang 17-anyos na binatilyo habang naglalaro ng bilyar kasama ang mga kaibigan sa naganap na rambulan sa Brgy. Pansol, Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang nadakip na sina alyas John, 17; Ryan, 16 at Vince, 15, habang pinaghahanap ang iba pang mga kasama nito na sina alyas Macmac, Ronald, Kalbo at Mar.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Anonas Police Station 9, nangyari ang rambulan nitong Linggo, Hulyo 7, alas 8:28 ng gabi sa bilyaran sa kanto ng Plaza St., at Pansol Avenue.

Nagbibilyar ang biktimang si alyas Oca kasama ang kaibigang sina alyas Moty at Leon nang dumating ang mga suspek at kinompronta sila.

Tinutukan ng icepick ni John ang kasamahan ng biktima na si Moty at sinabihang “wag kang maingay na nandito kami”.

Kasunod nito, pinagtulungan nang bugbugin ng mga suspek si Oca na nakatakbo pa subalit muling hinabol at nang makorner ay inararo ng saksak ng icepick sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang humingi ng saklolo ang mga kaibigan ng biktima at isinugod sa Quezon City Medical Memorial Center (QMMC) kung saan patuloy pa itong inoobserbahan.

Nabatid na may dati nang alitan ang mga biktima at mga suspek. (Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on