WebClick Tracer

METRO

Suspek nagtago sa chiller: Mang Inasal nilimas ng kawatan

Nagtago muna sa loob ng chiller at naghintay ng tiyempo saka pumasok ang suspek sa loob ng opisina ng isang kilalang food chain at tinangay ang halos P100K cash na kita ng tindahan, Lunes ng gabi.

Inilarawan ang suspek base sa footage ng Closed Circuit Television (CCTV) na nakasuot ng jacket, naka-jogging pants at naka-sandal.

Sa naantalang ulat, Lunes ng gabi nang pasukin ng di nakikilalang suspek ang Mang Inasal sa loob ng Waltermart sa Brgy. Mabuhay, Carmona City, Cavite at Martes na ng umaga nang ipagbigay-alam sa Carmona City Police Station, ng pamunuan ang nangyaring panloloob.

Base sa footage sa CCTV sa loob ng tindahan, pumasok ang suspek sa nasabing tindahan bandang alas-9:38 Lunes ng gabi at nagtago sa loob ng chiller.

Lumabas ito bandang alas-10:16 ng gabi, dumiretso sa opisina ng tindahan at sinira ang vault nito at tinangay ang halos P100K o kabuuang P91,505.00.

Matapos makuha ang pera, tumakas ang suspek sa direksyon ng Binan City, Laguna.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa kaso at pagkakaaresto sa suspek. (Gene Adsuara)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on