WebClick Tracer

NEWS

2025 Bar exam: Ateneo pinakamataas passing rate sa `big law schools’

ABANTE TONITE

Nag-aral sa University of the Philippines (UP) ang topnotcher habang limang nagtapos sa University of Santo Tomas (UST) ang pumasok naman sa Top 20, pero ang Ateneo de Manila University ang naging top-performing law school sa 2025 Bar examinations.

Sa ulat ng Bilyonaryo News Channel, base sa datos na inilabas ng Supreme Court nitong Miyerkoles, Enero 7, naitala ng Ateneo ang pinakamataas na passing rate mula sa mga law school na mahigit 100 ang examinees.

Naitala ng Ateneo ang 98.11% passing rate, kung saan ay 104 mula sa 106 na first-time takers nito ang pasado sa pagsusulit para maging abogado.

Sumunod ang UP na may 96.83% passing rate, kung saan ay 214 mula sa 221 law graduates nito ang pasado sa bar exams.

Sa UP nagtapos ang topnotcher ng 2025 Bar exam na si Jhenroniel Rhey Timola Sanchez. Nanguna siya mula sa 5,594 examinees na pumasa sa bar exam.

Ikatlo ang UST-Manila sa large-school category. Naitala nito ang 96.30% passing rate, kung saan ay 104 law graduate ang pasado mula sa 108 na kumuha ng pagsusulit. Lima sa kanilang mga estudyante ang pumasok sa Top 20.

Mayroong 10 paaralan naman ang pumasok sa kategorya ng mga law school na mahigit 100 ang Bar candidates. Kabilang dito ang Dr. V. Orestes Romualdez Educational Foundation na naitala ang 80.19% passing rate dahil pasado ang 85 mula sa 106 Bar candidates nila.

Sa kategorya naman ng mga paaralan na may 51 hanggang 10 examinees, nanguna ang Ateneo de Davao University na nakakuha ng perpektong 100% passing rate dahil pasado lahat ng 80 kandidato nila sa Bar.

Sumunod ang De La Salle University-Manila na nagtala ng 94.34% passing rate, at ang Polytechnic University of the Philippines na 94.20% ang passing rate.

May mga nakapasa rin mula sa maliliit na law schools.

Sa mga paaralan na may 11 hanggang 50 examinees, lima ang nakakuha ng perpektong passing rate dahil pasado lahat ng kanilang Bar candidates. Kabilang dito ang University of Makati, Bulacan State University, San Beda University, Palawan State University School of Law, at West Visayas State University.

Sa kabuuan, nasa 5,594 mula sa 11,425 examinees ang pasado sa 2025 Bar examinations at naitala ang national passing rate na 48.98%.