Abante Tonite Interactive

22 deputy ni Cayetano gagastos ng ₱1.6B

263

Nais ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na dagdagan ng P1.6 bil­yon ang panukalang P14 bilyong budget nito sa susunod na taon.

Ang hinihinging dagdag pondo ng Kamara ay dahilan umano sa inaa­sahang paglaki ng gagas­tusin ng mga mambabatas sanhi na rin ng dumaming deputy speaker sa ilalim ng liderato ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

Nabatid na mayroon nang 22 deputy speaker ngayon si Cayetano mula sa dating 14 lamang.

Ayon kay Cavite Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, chairman ng House committee on accounts, hindi pa sapat ang panukalang P14 bilyong budget ng kapulungan para sa susunod na taon dahil sa nadagdag na bilang ng mga deputy speaker.

“There are lots of increase in our expenses for 2020 including equipment, new offices, additional deputy speakers, and lots of expenses really,” sabi ni Tolentino.

Inamin ni Tolentino na hindi napaghandaan ng Kamara na madadag­dagan ang bilang ng mga deputy speaker nito gayundin ang bilang ng mga committee vice chair partikular sa House committee on appropriations at ways and means.

“Hindi po tayo ang nag-prepare ng budget for 2020. Binigay na po sa atin to, printed from NEP (National Expenditure Program). Hindi naman na-anticipate all those increases in the different employees and offices,” ayon pa sa kongresista.

Paliwanag pa nito na hindi lamang mga mambabatas sa Kamara ang magbebenepisyo sa hinihingi nilang karagdagang budget kundi ma­ging ang lahat ng 4,322 personnel ng kapulungan kabilang na rito ang mga contractual at permanent employee gayundin ang mga consultant.

Idinahilan pa ni Tolentino na kailangan din i-upgrade ang internet connection sa labas ng Batasang Pambansa complex.

“Huwag po natin kalimutan na tayo po sa House ang nagde-defend, nag-i-sponsor at pinagtatanggol po natin and budgets ng different departments and agencies ng pamahalaan. Huwag naman po natin kalimutan ipagtanggol din ang budget ng House, ito po ay para sa buong House,” giit pa ni Tolentino. (JC Cahinhinan)