Abante Tonite Interactive

23-15 ni Arwind nagpatibay sa SMB

By
2,692

Mabagal ang first quarter ng San Miguel Beer, pero umarangkada sa second hanggang tuluyang ipagpag ang Blackwater, 115-106, sa MOA Arena kagabi.

Itinagay ng Beermen ang pang-anim na panalo sa 10 laro at humigpit ang kapit sa fifth spot ng PBA Commissioner’s Cup.

Kapag naipanalo ng Beer ang huling laro sa pagtatapos ng eliminations sa Sabado ay makakasiguro sa Top 6 at makakaiwas sa seventh-eighth na may win-twice handicap kontra Top 2 sa quarterfinals.

Tatapusin ng SMB ang eliminations kontra nangungunang Magnolia (4-5) na kalaro pa ang NLEX sa second game kagabi.

Naiwan ang Beer, 34-28, pagkatapos ng first 12 minutes, pero naagaw ang trangko, 57-49, sa break at lumamang ng double-digits, 84-70, pagkatapos ng three. Mula roon ay sini­gurong hindi na makakasindak ang anumang tangkang balik ng Elite na natapos sa 1-10 ang kampanya sa midseason tournament.

Pinangunahan ng 23 points at 15 rebounds ni Arwind Santos ang Beermen, humugot pa ng 18 points mula kay Marcio Lassiter na 4 of 8 mula sa 3-point range. Si Kelly Nabong ay may 13 markers at four rebounds sa ikalawang laro sa SMB.

Apat na tauhan pa ni coach Leo Austria ang tumapos ng double fi­gures sa balanseng sco­ring ng Beer. May tig-12 points sina Alex Cabagnot at Renaldo Balkman na nagdagdag pa ng eight rebounds at four assists. Ang kagagaling sa kampanya sa Gilas Pilipinas na si June Mar Fajardo ay tumapos ng 10-10.

Binitbit ng 26 points at 12 rebounds ni Henry Walker ang Blackwater.