Abante Tonite Interactive

23 manggagawa ng Regent Foods inaresto

322

Nahaharap sa iba’t ibang kaso ang may 23 raliyista, kabilang ang 17 lalaki at anim na babae, na pawang mga empleyado ng Regent Foods matapos manggulo at manakit diumano ng mga security guard, sa Pasig City kamakalawa.

Batay ulat ng pulisya, mahigit 50 mga miyembro ng Regent Foods Workers­ Union na pinamumunuan ni Tita Cudiamat, ang nagsagawa ng protesta sa planta sa Brgy. Kalawaan, Pasig City dahil umano sa ipinaglalaban nilang hindi patas na pagtatrabaho, regularisasyon at mga benepisyo.

Una na umanong kinompronta ni Police Col. Moises Villaceran, Pasig police chief, ang mga raliyista at leader ng grupo para magkaayos subalit hindi sumunod ang huli hanggang sa nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng mga nagwewelga at mga sikyo ng kompanya, alas-nuwebe Sabado ng umaga.

Apat katao ang malubhang nasugatan habang anim pa ang sugatan na pawang mga miyembro ng SJSIA security force sa naganap na batuhan at pananaksak na sinimulan umano ng mga raliyista.

Narekober sa pinangyarihan ang isang kitchen knife, dalawang matulis na metal bar, steel bar; anim na hardwood; anim na piraso ng metal pipe; at 15 piraso ng iba’t ibang sukat ng bato.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa BP 6 o illegal possession of a bladed weapon at alarms and scandal.

Ang Regent Foods Corporation ay manufacturer ng snack brand na Snacku, Cheese Ring, Tempura, Sweet Corn, Cheese Ball, Labzter, Custard Cake at iba pa. (Vick Aquino)