Abante Tonite Interactive

23 mga barangay official kakasuhan ng graft sa SAP cash aid

0 403

Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal ang 23 mga barangay official dahil sa mga umano’y anomalya sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang naghain ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 11469 o Bayanihan to Heal As One Act, sa Prosecutors Office ng Department of Justice (DOJ) laban sa mga naturang opisyal.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año, 12 criminal cases ang isinampa ng PNP laban sa 23 barangay official at apat pa aniyang kaso ang ihahain nila sa mga susunod na araw.

Samantala, may 110 barangay official pa aniya ang kasalukuyang nasa ilalim ng `case build-up’ matapos na makatanggap ng kabuuang 318 reklamo ng graft and corrupt practices laban sa kanila.

“Sunod-sunod na ang pagsampa ng kaso ng PNP-CIDG laban sa mga tiwaling opisyal ng barangay at sa kanilang mga kasabwat sa mga anomalya sa pagbibigay ng SAP. Puspusan na rin ang imbestigasyon at case build-up para masigurong makakalaboso ang mga walang-hiyang tao na ito na nakuha pang manggantso sa mga mahihirap nating kababayan,” ani Año.

Hindi pa tinukoy ni Año ang pagkakalilanlan ng mga opisyal ngunit kinabibilangan aniya ito ng mga punong barangay, barangay kagawad, barangay treasurer, barangay secretary, barangay employee, purok leaders at may kasama ring mga social worker.

Aniya pa, puspusan na ang pag-iimbestiga ng PNP at pagsasampa ng kaso lalo na at nakatakda na ring i-release ng pamahalaan ng second tranche ng SAP emergency subsidy para sa mga low-income family sa huling bahagi ng buwang ito.

“Nalalapit na ang pamimigay ng 2nd tranche ng SAP kaya hindi natin hahayaang makapanloko pang muli ang mga ito. Nakatutok ang kapulisan sa mga kasong ito dahil ayaw nating mas lalo pang maagrabyado ang mga SAP beneficiaries,” giit ng DILG chief.

Samantala, sinabi naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na kabilang sa mga anomalya na kinasangkutan ng mga opisyal ay paghahati ng mga ayuda, pamemeke ng masterlist, pagkuha ng cut o tara mula sa mga SAP beneficiary at iba.

Tonite – Wendys Inhouse Ad