Abante Tonite Interactive

23 naabusong OFW nasa ‘Pinas na

234

Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ngayon ng 23 mga overseas Filipino worker (OFW) na pawang nabiktima ng human trafficking nang makauwi na sa bansa mula sa Dubai kahapon.

Alas-9:00 ng umaga nang lumapag ang Philippine Airline flight PR-659 sa Ninoy Aquino Internaional Airport (NAIA) Terminal 2 lulan ang mga naturang OFW.

Sa panayam kay Leisly Cabatingan, isa sa mga OFW na tubong Cebu City, hinikayat silang mag-abroad ng isang agency sa Dubai sa pamamagitan ng Facebook at pinangakuan sila ng malaking suweldo at mababait na amo.

Pinatulan nila ang alok ng agency sa kadahila­nang wala silang gagastusin para magtrabaho sa abroad.

Nakarating sila ng Dubai gamit ang tourist visa at pinaniwalaang may kakutsabang taga-immigration sa NAIA ang agent ng Agency para makalusot at makalabas ng bansa ang mga biktima patungong Dubai.

Reklamo ng mga OFW, pawang nakararanas umano sila ng pagmamaltrato at hindi pagbibigay ng sahod.

Malungkot pang pahayag ni Leisly na muntik na siyang magahasa sa pangalawa niyang amo, mabuti na lamang aniya at nakatakas siya agad at natulungan siya ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai. (Armida Rico)