Abante Tonite Interactive

23,000 COVID infection pinaghahandaan

1,012

Matatapos sa Abril 14 ang Luzon-wide enhanced community quarantine subalit naniniwala naman ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dapat palawigin pa ng hanggang dalawang linggo ang lockdown sa Metro Manila,

Ito diumano ang napag-usapan sa pulong ng IATF at mga banker na binunyag sa tweet ni dating Presidential Communications Secretary Manolo Quezon.

Sinabi umano ng IATF sa mga banker na ang “best option” para sa gobyerno ay palawigin pa ang enhanced community quarantine subalit sa Metro Manila na lamang ito ipatutupad dahil sa National Capital Region nakapagtala ng 75% kaso ng mga COVID-19 patient samantalang 10% lamang ang naitala sa Calabarzon region (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon).

Naniniwala diumano ang IATF-EID na hindi pa ganap na napupuksa ang virus at inaasahang sisirit pa ang infection rate nito na posibleng umabot ng 23,000 sa Abril 14 kung saan 2% 0 460 ang mamamatay, 19% o 4,600 ang maoospital habang nasa 1,150 katao ang isasailalim sa intensive care unit, batay sa mga pagtataya sa sitwasyon ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Hanggang alas-kuwatro ng hapon nitong Biyernes, Abril 3, iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa 3,108 kaso na ng COVID-19 case ang kanilang naitala samantalang 136 katao naman ang nasawi sa virus.

Sa Abril 14 inaasahang makakapagsagawa na ng mass testing ang pamahalaan dahil sa pagdating ng 300,000 rapid test kit na magagamit para sa 120,000 katao.

Tiwala rin ang IATF na hindi masyadong lalaganap sa bansa ang COVID-19 dahil bata pa ang populasyon ng Pilipinas at isang arkipelago o magkakahiwalay na isla hindi katulad sa Amerika at Italy.

Karaniwang tinatamaan ng virus ang mga matatanda o o senior citizen at may mga dati nang sakit sa baga at iba pang karamdaman na nagpapahina sa kanilang immune system kontra virus.

Tonite – Wendys Inhouse Ad