Abante Tonite Interactive

25 pakete ng cocaine nabingwit sa karagatan ng Samar

By
828

Sa halip na mga isda, mga cocaine na nakasilid sa pekete ang nabingwit ng mga mangingisda sa karagatan ng Eastern Samar, batay sa nakarating na ulat sa Philippine National Police (PNP).

Batay sa ulat, mahigit sa 25 pakete ng cocaine ang nakita ng mga mangingisda na palutang-lutang sa karagatan ng Guluan, sa nasabing lalawigan

Ayon sa isang mangingisda, abala siya sa paglalayag para mamingwit ng mga isdang ibebenta nang mapansin niya ang magkakaparehong mga pakete na palutang-lutang kaya nilambat niya ang mga ito at isinakay sa kanyang bangka.

Agad umano nitong binuksan ang mga paketeng nabingwit at nang makita na mistulang mga droga ang nasa loob ay dinala at ipinagbigay-alam niya ito sa kanilang kapitan. Doon ay nalaman na ‘cocaine’ ang nilalaman ng mga naturang kahon.

Nang masigurong iligal na droga ang nilalaman ng mga pakete ay agad namang itinawag ng kapitan ng barangay sa kalapit na himpilan ng pulisya para iturn-over ang nabingwit na mga kahon.

Gayunman, isinailalim pa rin sa laboratory test ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 8 (PDEA-8) ang natagpuan ng mangingisda para masigurong cocaine ang laman ng naturang mga pakete.