Abante Tonite
Mabilis sa Balita

27-anyos pinaulanan ng bala

0 203

Patay ang 27-anyos na lalaki habang sugatan naman ang kasama niyang 15-anyos matapos na pagbabarilin sila ng tatlong hindi pa kilalang mga suspek kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Dead on the spot matapos magtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Jovenir Sarmiento, 27, residente ng Barangay Bambang ng lungsod na ito, habang ang kasama niyang binatilyo ay agad dinala sa Taguig Pateros District Hospital matapos magtamo ng isang tama ng bala sa kaliwang balikat.

Samantala, inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaki at isang babae na pawang responsable sa pamamaril.

Sa paunang ulat ng pulisya, naganap ang insidente ala-1:35 ng madaling-araw sa kanto ng MLQ at Sampaloc Streets, Barangay Lower Bicutan.

Base sa salaysay ng saksing si Gary Castillo, nakarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril sa lugar at nang kanyang tingnan ay nakita na niyang nakabulagta sa harapan ng kanyang motorsiklo si Sarmiento. Ang mga suspek ay mabilis namang tumakas sa madilim na bahagi ng lugar kaya hindi na umano niya namukhaan ang mga ito.

Mabilis namang humingi ng responde sa Sub Station 10 ng Taguig City police ang saksi na agad namang umaksiyon at dinala ang sugatang biktima sa nabatid na pagamutan.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaril at pagkakakilanlan ng mga suspek. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.