Abante Tonite Interactive

27 saksak sa new graduate

1,530

Nagwakas sa brutal na kamatayan ang magagandang pangarap sa buhay ng isang 20-anyos na dalaga na bagong graduate sa kolehiyo makaraang pagsasaksakin nang 27 beses ng kawatan na pumasok sa loob ng townhouse unit ng biktima sa Molino, Bacoor, Cavite.

Madaling-araw noong Biyernes nang mangyari ang karumal-dumal na pagpatay sa biktimang si Shanmaine Teologo Pestaño.

Nabatid na armado ng kutsilyo ang hindi pa nakikilalang suspek na pumasok sa townhouse unit ng biktima.

Hinihinalang nagising ang dalaga at nanlaban ito dahilan para pagsasaksakin siya ng suspek na armado ng kutsilyo.

Isang saksak ng kutsilyo ang tumagos pa umano sa puso ng dalaga na siyang pinakamatinding tinamong sugat nito.

Naisugod pa ang biktima sa ospital pero makalipas ang 10 oras ay tuluyan na rin itong nalagutan ng hininga.

Walang makita na ibang posibleng motibo ang mga imbestigador ng pulisya sa pagkamatay ng biktima kundi pagnanakaw lamang.

Nabatid pa na nakapasok umano ang suspek sa bahay ng biktima sa pamamagitan ng paglagare sa mga grill ng bintana nito.

Mayroon na umanong natukoy na suspek ang mga awtoridad at may hawak na rin sila na tatlong testigo.

Napag-alaman na nagtapos ng kursong financial management sa Occidental Mindoro ang biktima. Lumipat ito sa Bacoor para maghanap ng trabaho at nakatakda sana umanong sumalang sa job interview noong Biyernes ng umaga pero hindi na nangyari dahil pinatay na siya.

Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng biktima at iginiit na magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa pagkamatay nito dahil sa hinalang baka hindi lang isang tao ang gumawa ng krimen batay na rin umano sa salaysay ng mga nakalap na testigo ng pulisya.