Abante Tonite
Mabilis sa Balita

29 tinadtad ng kaso sa PNP, PDEA McDo ratratan

0 633

ni Nancy Cavajal

Patong-patong na mga kaso ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 29 na indibidwal na sangkot sa ratratan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug En­forcement Agency (PDEA).

Matatandaang naganap ang sa­gupaan sa labas ng isang sangay ng McDonald’s sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Pebrero 24, 2021 na nagresulta sa pagkamatay ng apat na katao.

Nabatid na kabilang sa mga isinampang kaso ng NBI ay homicide, frustrated homicide, graft, obstruction of justice, falsification of documents, grave misconduct at robbery.

Base sa 39 pahinang rekomen­dasyon ng NBI-National Capital Region na napasakamay ng online news Politiko, kabilang sa mga kinasuhan ay pitong PDEA agent, limang ‘John Does’ at 17 operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) kung saan isang police major ang may pinakamataas na ranggo.

Nalaman na ang mga isinampang kaso ay ibinatay ng NBI sa mga nakuhang testimonya mula sa 57 indibidwal, 36 pulis, kabilang na ang impormante na si Jonaire Decena, 16 PDEA agent at limang testigo.

Sakop lamang ng NBI-NCR report ang mga kaso ng pagkamatay nina Police Corporal Eric Elvin Garado, Corporal Lauro De Guzman at PDEA agent Rankin B. Gano.

Naeksamin din ng NBI forensic team ang walong mahahabang baril at 15 pistola mula sa PDEA, 35 postola at isang rifle sa PNP, at nakapagsagawa rin ng cross matching examination sa 29 fired bullet, 176 cartridge, 35 me­tallic fragments at 530 na mga bala.

Kabilang din sa mga nasuri ng NBI forensic team ay ang 22 cellphone – limang hard drive – at dalawang DVR.

Nagsagawa rin ang NBI ng chemi­cal analysis sa dalawang sasakyan, isang Sedan at isang van, para mabuo ang crime scene.

May hiwalay pang imbestigasyon na isinasagawa ukol sa pagkamatay naman ng PDEA confidential infor­mant na si Untong Matalnas alyas ‘Bato’.

Sa pagdinig ng Senado, ibinun­yag ni NBI-NCR head Cesar Bacani na batay sa kanilang pag-iimbestiga ay buhay pa si Matalnas dakong alas-7:20 ng gabi noong Pebrero 24 matapos ang shootout.

Leave A Reply

Your email address will not be published.