Abante Tonite Interactive

3 ang bumaril kay Nueva Ecija Mayor Bote – PNP

By
4,610

Tatlo diumano ang suspek sa pagpaslang kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote, ayon kay Calabarzon police director Chief Superintendent Amador Corpus.

“Base sa CCTV footages, may tatlong suspek ang nasa crime scene at sakay ng motorsiklo,” pahayag ni Corpus sa isang press conference sa Camp Crame kahapon.

Subalit hindi pa umano matukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil masyadong malayo ang kuha at mababa ang resolusyon ng CCTV.

Sabi ni Corpus, hihingi sila ng tulong sa PNP Anti-Cybercrime Group para mapalinaw ang video at makilala ang mga mukha ng suspek gayundin ang pagkakakilanlan ng mga motorsiklong sinakyan ng mga suspek.

Si Bote ay sakay ng kanyang Toyota Fortuner nang pagbabarilin ng mga suspek, ilang minuto matapos siyang umalis sa tanggapan ng National Irrigation Administration sa Cabanatuan City noong Martes.

Isinugod pa siya sa ospital subalit idineklarang dead-on-arrival.