Abante Tonite Interactive

3-anyos, 6 pa nadale sa sumirko, nayuping multicab

203

Nalagay sa panganib ang buhay ngunit himalang sugat lang ang tinamo ng isang 3-anyos at anim pang katao kabilang ang driver nang nagpaikot-ikot at mayupi ang sinasakyan nilang multicab matapos na banggain ng isang kotse sa Bacoor City, Cavite.

Pawang ginagamot ngayon sa St. Dominic Medical Center ang biktimang sina Joseph delos Santos, 28, driver ng Multicab; Miriam Cababag, 39; Remedios Landicho, 52; Eden Delos Santos, 29, dalaga; Eden Rose Delina, 23, at Sofia Joy Delina. Habang galos lang ang tinamo ng 3-anyos na batang babae na umano’y niyakap ng kanyang lola.

Sa ulat ni P/SSgt. Edison Fetalcurin, ng Bacoor City Police Station, alas-12:30 kamakalawa ng hapon nang naganap ang insidente sa CAVITEX Road sakop ng Longos, Brgy. Digman, Bacoor City Cavite kung saan kapwa binabagtas ng dalawang driver ang kahabaan ng CAVITEX Road sa direksiyon ng North bound patungong Baclaran.

Minamaneho ni Delos Santos ang isang Suzuki Rebuilt Multicab sakay ang kanyang 5 pasahero habang si Nathaniel Mendez ay ang isang kulay extreme black na Toyota Fortuner na may plakang ZEL 479.

Tinangka ni Mendez na mag-overtake sa isang sasakyan at pagpihit nito sa normal na direksiyon ay nabangga nito ang likurang bahagi ng multicab dahilan upang mawalan ng kontrol ang manibela at umikot-ikot hanggang sa tumama sa isang railing na bakal na nagresulta sa pagkakasugat ng kanyang mga pasahero.

Sa kabila na total wrecked ang multicab, himalang puro sugat lamang ang tinamo ng mga biktima kabilang ang batang babae bagama’t isa sa mga babaeng pasahero ay naka-confine. (Gene Adsuara)