Abante Tonite Interactive

3-ANYOS DINUKOT, GINAHASA, PINATAY

By , ,
941

Bangkay na nang matagpuan ang nawawalang 3-anyos na batang babae na ­unang iniulat na dinukot ng isang adik habang natutulog ang biktima sa kanilang bahay sa Labo, Camarines Norte.

Ayon kay Chief Inspector Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5, dakong alas-3:15 ng hapon kamakalawa nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakilalang si Christine Joy Pacinos.

Hubo’t hubad ang paslit at may palatandaang ginahasa muna ito bago pinatay sa isang madamo at mabundok na bahagi ng Brgy. Masalong sa bayan ng Labo.

Batay sa ulat ng Labo Municipal Police Station, Martes (Mayo 1) ng madaling-araw nang dukutin ng suspek na nakilalang si Alberto Belmonte, 29-anyos, ang biktima habang natutulog ito sa kanilang bahay sa Brgy. Malasugui sa bayan din ng Labo at dinala ang paslit sa mabundok na bahagi ng Brgy. Masalong.

Nabatid na binata pa ang suspek pero adik ito sa iligal na droga.

Lingid sa kaalaman ng suspek ay isang babae na kapitbahay ng biktima ang nakakita sa kanya habang buhat-buhat ang bata kaya umaga nang araw ding iyon ay agad na inaresto si Belmonte ng pulisya pero itinanggi nito na siya ang dumukot sa paslit.

Kamakalawa ng hapon ay nakatanggap ng ulat ang Labo Municipal Police Station na may natagpuang bangkay ng batang babae sa nasabing lugar sa Brgy. Masalong.

Kasama ang magulang ng biktima ay nagtungo ang mga pulis sa lugar at doon ay kinumpirma nila na ang kanilang anak ang natagpuang bangkay na nagsisimula nang maagnas.

Sinampahan na kahapon ng kaso ang suspek dahil sa gina­wang krimen.