Abante Tonite Interactive

3-anyos pinatay sa bugbog ni itay

By
2,870

Walang kasing-lupit na kamatayan ang sinapit ng isang batang lalaki na tatlong taong gulang dahil mismong ang sarili niyang ama ang naging dahilan ng maaga niyang pagkamatay.

Nangyari ang krimen sa Brgy. Maligaya, Rosario, Batangas kung saan naninirahan ang pamilya ng suspek na si John Ross Lumawang Alaro.

Pinaghahanap nga­yon ng mga awtoridad si Alaro matapos umanong mapatay ang kanyang anak na lalaki na kinilalang si Miko.

Base sa ulat ng pulisya, nasawi ang bata dahil sa mga grabeng pasa at bugbog sa katawan nito.

Ayon sa mga pulis, kagagawan umano ni Alaro ang mga tinamong pinsala sa katawan ng bata.

Kamakalawa ng umaga ay idineklarang dead on arrival sa MVM Rosario District Hospital sa Rosario, Batangas ang biktima matapos umanong bugbugin ng kanyang ama.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan kung bakit sinaktan ng suspek ang sarili nitong anak na naging dahilan ng maagang pagkamatay ng bata.