Abante Tonite Interactive

3-anyos tinaga, ina pinalo ng lasing na tambay

1,615

Inoobserbahan ngayon sa pagamutan ang isang batang babae na tatlong taong gulang na pinagtataga ng isang lalaki na naghuramentado sa kanilang lugar sa Ibaan, Batangas kamakalawa ng hapon.

Nakaratay sa Queen Mary Hospital sa Barangay Poblacion ng Ibaan ang biktimang si Yukarie Anne Dimatera y Cahetas.

Nasugatan naman at ginagamot din sa nasabing ospital ang ina ng paslit na kinilalang si Ma-aan Narciso y Cabero, 21-anyos.

Batay sa report ng Ibaan Municipal Police Station, bandang alas-3:50 ng hapon habang nagpapahinga sa loob ng kanilang bahay ang mag-ina nang biglang pumasok ang suspek na si Pablito Perez y Bautista, 40-anyos.

Pinukpok muna ni Perez ng matigas na bagay ang ulo ng ginang dahilan para mahilo ito subalit nagawa pang makatakbo palabas ng bahay.

Pinagbalingan naman ng suspek ang naiwang paslit at siyang pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang ginawang pananaga samantalang agad ding isinugod sa nabanggit na ospital ang mag-ina.

Naaresto din kalaunan sa follow-up operation ng mga awtoridad ang suspek sa tirahan nito sa Barangay Bungahan.

Wala pang makuhang impormasyon ang mga pulis kung bakit pinagtataga ng suspek ang biktimang paslit. (Ronilo Dagos)