Abante Tonite Interactive

3 araw na alitan tinapos sa saksakan

388

Nasawi ang isang lalaki matapos mauwi sa suntukan at saksakan ang may tatlong araw nang alitan kamakalawa sa Baseco Compound Port Area, Maynila.

Hindi na naisalba ng mga doktor sa Gat Andres Hospital si John Valderama, ng Blk. 15 Port Area, Baseco Compound na nasawi dahil sa tama ng saksak sa dibdib. Nakatakas naman ang suspek na si Jose Marie Dalumpines alyas ‘Marvin’, 28, taga-Blk. 3, ng Gawad Kalinga sa Baseco Compound sa Port Area bitbit ang patalim na ginamit sa pananaksak.

Sa imbestigasyon ni PSSg. Jansen Rey San Pedro at PEMS. Charles John Duran, naganap ang insidente alas-10:00 ng gabi sa Blk. 15 Baseco Compound sa Port Area.

Bago ang pananaksak, 3-araw nang nagtatalo ang biktima at suspek.

Muling nagkita at nagkairingan ang dalawa hanggang magkasuntukan at bumunot ng patalim at pinagsasaksak ng suspek ang biktima.

Dinala ang bangkay sa Funeral Cruz para sa awtopsiya at patuloy na tinutugis ang suspek para papanagutin sa krimen. (Juliet de Loza-Cudia)