Abante Tonite Interactive

3-ARAW SABOG AMA’T INA KINATAY!

By ,
4

Kamatayan ang sinapit ng isang ginang habang malubha namang nasugatan ang kanyang mister makaraang pagsasaksakin ng kanilang adik na anak na tatlong araw nang hindi natutulog, kamakalawa sa Muntinlupa City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Sonia Cores, 54-anyos, nagtamo ng ilang saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa basag na salamin habang nilalapatan naman ng lunas sa naturang pagamutan ang kanyang mister na si ­Adimo, 52.

Naaresto at nakakulong ngayon sa Muntinlupa Police Station ang kanilang anak na si ­Arnel Cores, 32-anyos, na naka­takdang kasuhan ng parricide at frustrated parricide.

Sa report ng pulisya, pasado alas-nuwebe ng gabi kamakalawa nang mangyari ang pananak­sak ni Arnel sa kanyang ama’t ina sa loob ng kanilang bahay sa panu­lukan ng Beverly St. at National Road sa Brgy. Tunasan.

Sinasabing tatlong gabi nang hindi natutulog si Arnel dahilan upang magpasya ang mag-asawang Cores na dalhin ang kanilang anak sa albularyo sa pag-aakalang sinapian ito ng masamang espiritu.

Habang papalabas na ang mag-asawa sa kanilang bahay kasama si Arnel ay biglang pumulot ito ng basag na salamin at inundayan ng saksak ang kanyang mga magulang.

Nadala pa sa pagamutan ang mag-asawa ngu­nit sa kasamaang ­palad ay binawian ng ­buhay si Sonia.

Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis si Arnel na napag-alaman na isa umanong drug addict.

Posibleng nawala na umano sa katinuan ang pag-iisip ni Arnel dahil tatlong araw na itong hindi natutulog kaya pinagsasaksak ang kanyang mga magulang.