Abante Tonite Interactive

3 babae sa Montero nirapido

1,226

Todas ang 93-anyos na lola at babaeng anak na isa ring senior citizen habang sugatan ang kaanak nito makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang gunman sa Barangay Holy Spirit, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Police Lt. Col. Elmer Monsalve, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang mag-inang biktima na sina Emilia Rumor, 93, at Brenda Rumor, 62, kapwa residente ng No. 3 Cerilo St., Brgy. Holy spirit, QC. Sugatan naman ang kaanak nilang si Nancy Rumor Johnson.

Sa inisyal na report ni PSSg. Zaldie Notarte, desk officer ng Batasan Police Station (PS6), pasado alas-8:58 ng gabi (Pebrero 21) nang pagbabarilin ng armadong suspek ang tatlong biktima sa loob ng sinasakyang puting Mitsubishi Montero – TWO 964.

Ayon sa saksing sina Kyle ­Albay at Juvy Sabado, sakay umano ang mga biktima sa Montero­ na minamaneho ni Brenda at papasok na sana sa kanilang tahanan subalit ng nasa main gate na umano ang mga ito ay bigla na lang pinaulanan ng bala ang tatlong babae.

Si Emilia ay namatay noon din dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo habang si Brenda ay binawian ng buhay sa FEU Gene­ral Hospital. Si Nancy naman ay sinuwerteng nagtamo lamang ng daplis sa katawan.
Mabilis na tumakas ang gunman na naka-black jacket, ball cap at brown face mask. Sinisilip ngayon ng pulisya ang anggulong love triangle habang iniimbestigahan pa ang nasa likod ng pamamaril sa mga biktima. (Dolly Cabreza)