Abante Tonite Interactive

3 bangkay ng lalaki, natagpuan

188

By Armida Rico

Tatlong bangkay ng lalaki ang magkakasunod na natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Muntinlupa, Las Piñas at Parañaque City kamakalawa.

Batay sa report na natanggap ng Southern Police District, dakong alas-singko ng madaling-araw nang matagpuan ng ilang kapitbahay ang bangkay ni Nelson Lagarto, 44-anyos, sa isang drainage sa likod ng bahay nito sa Purok 2, Block 3, Brgy. Bayanan, Muntinlupa City.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa pagkamatay ni Lagarto habang ang bangkay nito ay pansaman­talang inilagak sa Loreto Funeral Services para isailalim sa autopsy.

Alas-siyete naman ng umaga nang matagpuan ng isang Kevin Mendoza ang bangkay ni Marwin Gabero, 20-anyos, na walang damit pang-itaas at may mga sugat sa leeg sa Manalo St., Brgy. Talon 2, Las Piñas City.

Dinala sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame ang bangkay ni Gabero para isailalim din sa autopsy.

Samantala, nakalagak naman sa People’s Funeral Homes sa Las Piñas City ang bangkay ng isang Hatimil Insang na natagpuan dakong ala-una nang hapon sa loob ng barracks ng construction site ng Spring Residence sa West Service Road, Brgy. Sun Valley, Parañaque City.

Iniimbestigahan pa rin ng pulisya ang insidente ng pagkamatay ni Insang.