Abante Tonite Interactive

3 bata nakulong sa kotse, dedbol

680

Patay na nang matagpuan ang tatlong bata na magpipinsan matapos na makulong at ma-suffocate diumano sa pinaglaruang kotse na ipinarada sa Brgy. Calungusan sa Orion, Bataan nitong Lunes nang gabi.

Ayon sa pulisya, may edad na 9, 8, at 6, ang mga hindi na pinangalanang biktima na pawang residente ng nabatid na barangay.

Sa ulat na mula sa Police Regional Office, natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa sasakyan ni Jessie Morales, safety officer ng isang oil company  at tatay ng isa sa mga nasawing bata, dakong alas-otso nang gabi noong Lunes.

Nauna dito, ipinarada ni Morales ang kotse dakong alas-kuwatro nang hapon sa kahabaan ng Eskinita St. saka ito umuwi sa kanilang bahay.

Nabatid naman mula sa ilang kapitbahay na huling nakitang naglalaro ang mga biktima sa paligid ng sasakyan na ipinarada ni Morales.

Nang maggabi ay binalikan umano ni Morales ang sasakyan at nadiskubre ang mga bata sa loob nito na hindi na gumagalaw at wala nang malay.

Agad itong humingi ng tulong para dalhin ang mga bata sa pagamutan pero idineklra na itong dead-on-arrival.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng nakulong at na-suffocate ang mga bata matapos na makapasok sa loob ng sasakyan subalit hindi na nila alam kung paano ulit ito buksan, nabubuksan umano ang pinto ng sasakyan mula sa labas pero hindi ito nabubuksan mula sa loob nang matagpuan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente. (Edwin Balasa/Jojo Perez)