Abante Tonite Interactive

3 Bata nilamon ng burak

Nag-dive sa Tullahan River

By
0 618

Hindi na lumutang ang tatlong menor de edad matapos na magkatuwaang tumalon para maligo sa Tullahan River sa Valenzuela City kahapon ng hapon.

Hanggang sa isinusulat ito kagabi ay hindi pa rin natatagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Valenzuela City Rescue Team ang magkapatid na sina Reniel, 13, at Ferdie Sebado Tejodilla, 11, at ang isa pa nilang kasama na si Guillan Salud, 10 taong gulang.

Mga residente sila ng Brgy. Marulas ng nasabing lungsod.

Abante Hiring – IT dep

Ayon kay Alvin Flores ng Valenzuela City Rescue Team, bandang alas-4:48 ng hapon ay nakatanggap sila ng tawag na may tatlong bata umano ang tumalon at naligo sa Tullahan River na matatagpuan sa Mac­Arthur Highway sakop ng Brgy. Marulas.

“Nagresponde kaagad kami at nagsagawa ng retrieval ope­ration pero hindi namin nahanap ‘yung mga biktima,” sabi ni Flores.

Napag-alaman na galing umano sa pag­lalaro ng basketball ang tatlong bata at nagkatuwaang maligo sa nasabing ilog na noo’y malalim dahil sa pag-ulan dulot ng bagyong Ompong.

Kuwento ng mga nakakita sa pangyayari, sabay-sabay na tumalon ang tatlong bata, pero hindi na sila lumutang pa.

Ayon sa PCG, maburak ang ilog at posib­leng pumailalim ang mga biktima nang mag-dive mula sa tulay na may 10 talampakan ang taas.
Umaasa naman ang mga magulang ng tatlong nawawala na mahahanap nang buhay ang kanilang mga anak.