Abante Tonite Interactive

3 bayan sa Romblon nadale ng oil spill

240

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na tatlong bayan sa lalawigan ng Romblon ang apektado ng oil spill.

Sa nakarating na ulat sa PCG headquarters sa Manila na ipinadala ng PCG-Marine Environmental Protection Unit kabilang sa mga apektadong bayan ang Odiongan, San Andres at Ferro, pawang nasa Tablas Island, Romblon.

Nakumpirma ang oil spill matapos mag-inspeksyon ang nabanggit na Unit ng PCG.

Nalaman sa Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources na kulay itim na substance ang nakita malapit sa baybaying dagat ng Brgy. Agpudlos sa bayan ng San Andres.

Sa nakalap na impormasyon ng PCG sa mga residente ng naturang barangay,
nakakita umano sila ng lumulutang na debris ng langis, may pitong araw na ang nakakalipas pero wala naman silang namataan na barko na naaksidente para maging sanhi ng oil spill.

Ayon sa PCG posible umanong ang mga ­langis ay nag-leak mula sa isang malaking vessel o kaya ay oil tanker na dumaan sa Tablas straight.
Humingi na rin ng assistance ang PCG sa local government unit para sa isasagawang coastal clean-up.

Patuloy naman ang isinasagawang imbes­tigasyon ng PCG sa insidente. (Juliet de Loza-Cudia)