Abante Tonite Interactive

3 bebot naaktuhang bumabatak

317

Arestado ang lima katao kabilang ang tatlong babae at dalawang lalaki matapos mabuking sa aktuwal na pagsinghot ng shabu makaraang isumbong ng kapitbahay na may nagaganap na pot session sa loob ng bahay ng isa sa mga suspek, Lunes nang gabi, sa Bagong Silang, Caloocan City.

Sa nakalap na report kay PCol. Noel Flores, hepe ng Caloocan City Police, nakilala ang mga suspek na sina Daisy Escober y Balmonte, 34-anyos; Michelle Camacho y Udhay, 36; Maria Virginia Padua y Colegado, 31; Joshua Fontalva y Bera, 19, at Jerry Regis y Cabahaan, 42, pawang residente ng Brgy. 176, Bagong Silang.

Inaresto ang limang suspek ng mga tauhan ng Police Community Precinct 3 ng Caloocan City Police nang maaktuhang nagpa-pot session bandang alas-siyete, Lunes nang gabi sa bahay ni Escober.

Ayon kay PCol. Flores, isang concerned citizen ng Brgy. 176 ang nagsumbong sa pulisya kaugnay sa nagaganap na pot session ng mga suspek kaya agad na ikinasa ang follow-up operation.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang empty transparent plastic sachet ng shabu, dalawang aluminum foil strips, dalawang aluminum foil too­ters at lighter. Tatlong plastic sachet naman ng shabu ang nakuha kay Escober nang kapkapan. (Vick Aquino)