Abante Tonite Interactive

3 bebot nahulihan ng P3M shabu sa hotel

268

Nakuha ng mga operatiba ng Quezon City Police District at Philippine Drug Enforcement Agency ang tinatayang P3.4 milyong halaga ng shabu habang nahuli rin ang apat na hinihinalang tulak ng droga, kabilang ang tatlong babae, sa buy-bust operation sa isang hotel Quezon City.

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang mga naaresto na sina Ruby Balani, alyas ‘Belle’, Mary Jane Duran, alyas ‘Beng’, Mineya Amorine, alyas ‘Aira’ at Joshua Salazar.

Nakuha mula sa mga suspek ang isang plastic pack na may lamang kalahating kilo ng shabu at apat na sachet na may lamang 20 gramo ng ng parehong iligal na droga, na mayroong street value na aabot sa P3,455,000.

Ikinasa ang operasyon alas-2:30 ng kahapon ng madaling-araw, sa loob ng Super Savers Hotel sa E Rodriguez Ave., Brgy. Doña Imelda. Ayon kay Eleazar, matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad ang mga suspek at nang makumpirma ang kanilang iligal na gawain ay doon isinagawa ang pagsalakay.

Mahaharap ngayon ang mga suspek sa patung-patong na kaso ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.