Abante Tonite Interactive

3 biktima ng human trafficking nasagip

259

Isang hinihinalang human trafficker ang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration nang tangkain umanong ipuslit ang tatlong biktima na iligal na hinikayat na magtrabaho sa Malta.

Ayon kay BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, pasakay ng Eva Air flight patungong Malta sa NAIA terminal 1 ang mga biktima nang maharang nang mga miyembro ng travel control and enforcement unit.

Hindi naman pinangalanan ang mga nailigtas na mga biktima alinsunod sa batas. Nabatid na unang idinahilan ng mga biktima ay business trip ang kanilang pakay at sila ay empleyado ng recruitment agency, pero kalaunan ay umamin din na sila ay na-recruit ng kanilang escort patungong Malta bilang mga housekeeper.

Ayon pa sa mga biktima, nagbayad sila ng P310,000 bawat isa para sa kanilang placement fee at travel costs.

Dinala sa kustodiya ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang nahu­ling human trafficker para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. (Mina Aquino)