Abante Tonite Interactive

3 black lady sa haunted compound

376

Mga ka-Misteryo nakakita na ba kayo ng black lady? Karaniwan isang multong black lady o white lady ang maaaring makita sa isang lugar. Paano kung hindi lang isa, hindi dalawa kundi tatlong black lady ang magpakita sayo, ano ang gagawin mo?

Ito ang kuwentong karanasan ni Kris sa #TeamMisteryo nang big­lang magpakita sa kanya ang tatlong black lady nang magpunta siya sa isang compound sa Quezon City.

Nangyari ito nang sumangguni si Kris sa isang astral healer para humingi ng tulong sa nabuksang portal sa isang compound sa QC.

Kasama ang isang guide, nagpunta sila sa compound na merong limang kabaha­yan. Isa sa bahay ang kanilang pinasok para tignan. Nang biglang sumulpot ang tatlong babaeng naka-itim at nakayuko.

Napatigil sa paghakbang si Kris at kanyang guide. Sinikap niyang maging kalmado dahil kinabahan na siya. Unti-unting inangat ng tatlong black lady ang kanilang mukha at tinitigan si Kris.

Nakaramdam ng panganib si Kris at kanyang guide bagaman hindi niya makita ang mga mukha ng black ladies.

Napansin ni Kris na unti-unting umuusad ang tatlong black lady palapit sa kanila kaya’t bahagya silang umatras ng kanyang guide. Sinabihan siya ng guide na lakasan ang loob.

“Delikado po mukhang susugurin tayo,” tugon ni Kris sa kanyang guide. Pero tinapik ng guide ang balikat ni Kris para iparamdam na handa siyang umalalay. Naramdaman ni Kris na tila nabalot siya ng malakas na ener­hiya bilang proteksiyon.

“Yumuko ka at deretso lang ang lakad, ‘wag mo silang tignan,” pabulong na sinabi ng kanyang guide.

Habang padaan si Kris sa tabi ng tatlong black lady ay may narinig siyang angil at mga bulong dahilan para kilabutan ang kanyang buong katawan. Nasa tabi niya ang guide na tila nagdarasal habang sila ay naglalakad.

Nakahinga nang maluwag si Kris nang makalagpas sila sa tatlong black lady pero biglang sumakit ang kanyang tiyan at siya ay nagduduwal. Tinapik-tapik siya ng guide sabay sabi: “Bubuti na ang pakiramdam mo ‘wag kang mag-alala.”

Palabas na sila ng bahay nang may humarang na naman sa kanilang daraanan, isang lalaking nakaputi at umastang susugurin silang dalawa. Dito na umaksiyon ang guide at ikinumpas ang kanyang kanang kamay at umusal ng dasal.

Tila usok na biglang naglaho ang nakaputing lalaki hanggang sa tuluyan na silang makalabas sa bahay.

Iginala ni Kris ang kanyang paningin sa paligid at marami pa siyang nakitang mga kaluluwa at mga maligno.

Ayon sa guide, “kailangan malinis ang buong compound pero mahihirapan tayo dahil lahat sila ay bantay ng nakabaon na kayamanan.” Nagkatotoo ang hinala ni Kris na may binabantayan ang tatlong black lady at iba pang kaluluwa at mga engkanto sa compound.

Ang payo ko ‘pag may maka-engkuwentrong multo, white lady man ‘yan o black lady, manatiling kalmado at gumawa ng paraan na dumepensa pero bago pa man ay matuto tayong mag-shield, malaking bagay bilang depensa sa mabangis na mga espiritu.

Para sa inyong mga karanasang nakaka­kilabot, nakakatakot at kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang websites ng Abante, Abante Tonite at www.reytsibayan.com. Tutukan ang Misteryo Pilipinas FB page.